Isang babaeng Vietnamese ang bigla na lang naglakad nang walang anomang saplot sa katawan sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 noong Sabado.
Sa ulat ni Darlen Cay sa GMA News “Saksi” nitong Martes, sinabi ng mga tauhan sa paliparan na naunang na-offload o hindi pinasakay sa eroplano ang babae na bibiyahe sana patungong Ho Chi Minh City.
“...Na-offload ata. Then dumiretso sa toilet, public toilet sa departure, sa CR ng babae. Then, lumabas siya roon, naghubad. Hindi namin alam kung ano’ng dahilan,” ayon kay Airport Police Officer 1 Michael Ronald de Guzman, NAIA Terminal 3.
Sa hiwalay ng ulat ng GMA News 24 Oras, sinabing lumabas sa paunang impormasyon na nakararanas ng psychological disorder ang dayuhan kaya hindi siya pinayagang makabiyahe ng immigration officer.
Maliban sa pagiging hubo't hubad, wala namang ginawang komosyon sa paliparan ang babae.
Kaagad namang inalalayan ng mga tauhan sa airport ang babae para matakpan ang katawan nito at binigyan ng tubig, at pinasakay sa wheelchair, ayon sa medical team ng paliparan.
“She’s about 34 years old…she appeared a little irritable because una, hindi siya marunong mag-communicate ng Tagalog. And she doesn’t speak well doon din ‘yung English…So we were communicating with her through Google Translate. Okay naman din siya…After some time, binihisan naman agad,” sabi ni Manuel Sequitin, Manila International Airport Authority (MIAA) Assistant General Manager for Security and Emergency Services.
Nang bumuti na ang kaniyang kondisyon, pinayagan na rin ang babae na makabiyahe pauwi sa kanilang bansa sa Vietnam noong Linggo.
Wala pang tugon ang Bureau of Immigration upang makuha ng iba pang detalye tungkol sa insidente.--FRJ, GMA Integrated News