Muling pinasok ng mga awtoridad ang compound ng Philippine offshore gaming operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga nitong Biyernes ng gabi para hanapin ang babae na nadinig umanong humihingi ng tulong. Ang isang opisyal ng Philippine Anti-Corruption Commission (PAOCC), sinabing ikagugulat ng publiko kapag nalaman kung sino ang nasa likod ng Lucky South 99 Outsourcing na nag-ooperate sa naturang lugar.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing pinasok ng mga tauhan ng PAOCC at iba pang operatiba ang POGO hub sa bisa ng seach warrant na nakuha mula sa San Fernando Regional Trial Court.
Mayroon umanong lawak na 10 hektarya ang compound at may 46 gusali at may tig-tatlong palapag ang bawat isa. Papasukin umano ang mga gusali para humanap ng ebidensiya tungkol sa isinasagawang operasyon doon.
Nitong Biyernes ng gabi, isang gusali ang pinasok at isa-isang hinalughog ang mga kuwarto para hanapin ang isa umanong babae na banyaga ang wika na humihingi ng tulong.
Gayunman, wala pa silang nakikitang babae nang sandaling ilabas ang naturang ulat.
Ang mga kuwarto umano ang nagsilbing barracks ng mga tao na tumuloy doon.
Pero bago nito, dalawang Chinese nationals na ang nasagip sa naturang lugar. Ang isa, inabutan na nakatali sa bed frame at may mga pasa.
Nasagip din ang isa pang dayuhan na nadinig na humihingi ng tulong mula sa bintana.
Nauna nang sinalakay ang POGO hub noong Martes ng gabi pero hindi tuluyang napasok ng mga awtoridad matapos bawiin ng korte sa Bulacan ang inilabas na search warrant.
Sa hiwalay na ulat ni Oscar Oida, sinabing nasa 155 na dayuhan ang "nasagip" sa naturang POGO hub sa naunang pagsalakay na kanilang ginawa. Kinabibilangan ito ng mga Chinese, Vietnamese, Malaysian, at Burmese citizens.
Pero karamihan sa kanila ay walang pasaporte at sinasabing nagbabakasyon lang sila at hindi nagtatrabaho sa POGO.
“ We don’t work in here. We just come here to travel,” ayon sa isang Vietnamese na babae.
“We are not POGO, we are just friends together,” paliwanag naman ng isang Malaysian citizen.
Gayunman, wala silang maipakitang katibayan na nagbabakasyon lang sila at wala ring passport.
“Wala ho akong nakitang swimming pool…wala rin ho akong nakita doong beach resort,” sabi ni Winston Casio, PAOCC spokesperson. “Tandaan ho natin mga scammer ho ito. Kahit anong kuwento ay gagawin nila para mapapaniwala ang kahit sino po.”
Batay sa paunang imbestigasyon, nakikita ng PAOCC na konektado ang POGO hub sa Porac sa POGO sa Bamban, Tarlac.
“Itong susunod na mga araw po siguro, makikita natin kung sino nga ba ang tunay na may ari sa likod nitong Lucky South 99 at mabibigla ang sambayanang Pilipino kung sino nga ba ang nasa likod,” ayon kay Casio.-- FRJ, GMA Integrated News