Dinakip ang isang babae dahil sa estafa, carnapping at paglabag sa bouncing checks law matapos lokohin umano ang kaniyang mga kasosyo sa negosyo. Ngunit kaniyang depensa, nakinabang naman ang mga complainant.
Sa ulat ni John Consulta sa Unang Balita nitong Biyernes, mapapanood sa video ng National Bureau of Investigation - Organized and Transnational Crime Division ang pagdakip sa babae pagkalabas niya sa isang courtroom ng Manila Regional Trial Court matapos ang kaniyang hearing.
Isinilbi ang tatlong warrant sa kaniya sa mga kasong estafa, carnapping at paglabag sa bouncing checks law.
“‘Yung modus ng subject ay kinakaibigan sila at pinag-invest sila sa isang catering service. Pero ang nangyari, sila na lang ang naglabas ng pera, wala nang bumalik sa kanila,” sabi ni Atty. Jerome Bomediano, hepe ng NBI-OTCD.
Maliban sa perang umabot sa milyon-milyong piso, nakuha rin ng suspek mula sa mga biktima ang mga sasakyan gaya ng truck at van, matapos silang mapapaniwala na gagamitin ito sa negosyo.
Positibong kinilala ang suspek ng mga biktima.
“Hindi po ibig sabihin na nanloko ka o nang-i-scam ka, kasi nakinabang po sila sa mga iyan,” depensa ng babaeng suspek.
Ayon kay Bomediano, nahuli na rin ang babae umano noong 2016 dahil sa “rentangay,” at marami nang dating kaso na karamihan ay estafa.
Nakabilanggo na ang suspek sa NBI-QC. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News