Matapos ang anim na taong pagtatago, nadakip ang isang lalaking wanted sa Maynila dahil sa kasong murder nang isumbong siya ng kaniyang pamilya. Ang pinag-ugatan ng krimen, love triangle umano.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing isa sa most wanted ng Jose Abad Santos Police Station ang suspek. Makailang ulit na raw siyang nagpalipat-lipat ng bahay.

Hindi na nakapalag ang suspek nang silbihan siya ng arrest warrant para sa kasong murder.

Ayon sa pulisya, Nobyembre 2018 nang maganap ang krimen.

Kuwento ng akusado, sinugod siya ng asawa ng babaeng kaniyang naka-relasyon. Self-defense umano ang kaniyang ginawa kaya niya ito napatay.

"Nagsuntukan po kami noon, bigla niya po akong pinalo sa ulo. Hanggang sa nakadampot po ako ng matulis na bagay, hanggang sa inabot ko po siya sa dibdib," sabi ng suspek.

"Hindi ko naman po talaga kasalanan, wala naman po akong intensyon na mapatay ang tao," dagdag niya.

Nasa kustodiya ng Abad Santos Police Station ang akusado. — Jamil Santos/ VDV, GMA Integrated News