Nalagay sa alanganin ang buhay ng isang taong gulang na bata matapos itong aksidenteng ma-lock sa loob ng kotse ng kaniyang mga magulang at makaranas ng init sa Florida, USA.
Sa video ng Flagler County Sheriff’s Office, na mapapanood din sa GMA Integrated Newsfeed, makikitang nag-aaway na sa parking lot ang mag-asawa pagkarating ng deputy ng sheriff’s office.
Nagtalo ang mag-asawa nang iwan ng lalaki sa loob ng kotse ang kanilang anak.
Kuwento ng mag-asawa, isinakay ng ama sa passenger’s seat ang bata, bago siya umikot papunta sa driver’s seat. Gayunman, nag-lock pala umano ang kotse at nasa loob ang kanilang susi.
Napakainit noong mga sandaling iyon kaya pawis na pawis na ang bata at tila hindi na makahinga nang dumating ang deputy. Walo hanggang 10 minuto nang nasa loob ng kotse noon ang paslit.
Dahil sa panganib na dala ng heatstroke, hindi na pinatagal ng deputy ang sitwasyon at binasag ang isang bintana ng sasakyan.
Nasagip ang bata, na panay ang iyak, ngunit nasa maayos na naman siyang kalagayan.
Dahil sa insidente, nagpaalalang muli ang mga awtoridad na peligroso ang pag-iiwan ng mga bata sa sasakyan.
“Heatstroke can happen very quickly, even if it does not seem that hot outside. Remember, if it has a heartbeat, do not leave them in your car,” sabi ni Sheriff Rick Staly ng Flagler County Sheriff’s Office. —VBL, GMA Integrated News