Timbog ang isang police major at tatlong police sergeant na sangkot umano sa pag-kidnap ng apat na foreign national sa Pasay City, ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos nitong Miyerkoles.
“This incident is a serious breach of public trust and the core values of the police force. The Philippine National Police (PNP) will not tolerate any misconduct within their ranks,” saad ni Abalos sa isang punong balitaan sa Camp Crame.
“They are committed to transparency throughout the investigation and prosecution process and will provide regular updates to ensure all developments are communicated effectively,” dagdag niya.
Kinilala ang mga suspek na sina Police Major Christel Carlo Villanueva, Police Senior Master Sergeant Angelito David, Police Master Sergeant Ricky Tabora, at Police Staff Sergeant Ralph Tumanguil.
Nakadestino sa Makati City, Pasay City, at National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga suspek, na ipinrisenta sa media sa pulong balitaan.
Noong Hunyo 2, sinabi ni Abalos na may apat na foreign national ang sakay ng kanilang sasakyan nang parahin sila ng ilang pulis na sakay Philippine National Police (PNP) motorcycle sa Taft Avenue.
Sa kanila ring likuran ang isang puting van.
“Pagkatapos bumababa at kinuha yung apat na dayuhan. They abducted the four individuals,” saad ni Abalos.
Nagawang makatakas ng dalawa sa mga dayuhan mula sa pandudukot sa kanila at nakahingi ng tulong sa pulisya.
Nagtamo naman ng mga sugat ang dalawa pa, at pinakawalan lamang matapos maibigay ang P2.5 milyong ransom sa mga kidnapper umano.
Matapos nito, nagsagawa ng operasyon ang pulisya para madakip ang mga suspek.
Nahaharap ang mga suspek sa reklamong kidnapping with ransom, robbery, at carnapping matapos makakuha ang mga awtoridad ng ebidensya laban sa kanila gaya ng CCTV footage, mga phone, at PNP-issued firearms at mga motorsiklo.
Patuloy na tinutugis ang iba pang salarin, kabilang ang isang sibilyan na siyang mastermind. —VBL, GMA Integrated News