Nakaburol na sa Tarlac ang 65-anyos na family driver na nasawi matapos barilin sa hinihinalang isa na namang kaso ng road rage incident na nangyari sa bago sumapit ang EDSA-Ayala tunnel sa Makati. Ang suspek na negosyante, may iba pang kasong kakaharapin bukod sa pagkamatay ng biktima.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing hindi natuloy ang nakatakda sanang pagsailalim sa suspek sa inquest proceeding kaninang umaga.
Paliwanag ng mga awtoridad, kinukumpleto pa nila ang mga dokumento at ebidensyang kinakailangan para matiyak na matibay ang reklamong isasampa laban sa suspek.
Sandaling inilabas sa detention facility ang suspek para iharap sa isang teleconference para ipinaliwanag sa kaniya ng kaniyang abogado ang kaniyang mga karapatan at sa pagproseso sa kakaharapin niyang mga kaso.
Tumanggi ang suspek at ang kaniyang ama na dumalo sa teleconference na magbigay ng pahayag kaugnay sa nangyaring krimen.
Bukod sa kasong murder, sinabi ni Police Colonel Jean Fajardo, PNP spokesperson, na mahaharap din ang suspek sa mga reklamong paggamit ng ilegal na plaka ng sasakyan at pagdadala ng baril nang wala umanong kaukulang permit.
Samantala, nakaburol na sa Sta. Ignacia, Tarlac ang 65-anyos na biktima na isang padre de pamilya.
Labis ang panghihinayang ng mga naulila na plano na pala ng biktima na magretiro na sa pagiging driver, at magnegosyo na lang sa lalawigan para makasama nila ang kaniyang pamilya.
"Uuwi na ako sa June 23 sabi niya. Ganyan naman ang nangyari," saad ng asawa ng biktima na ang hiling ay mabigyan ng hustisya ang sinapit ng kaniyang mister.
Batay sa resulta ng imbestigasyon ng pulisya, nagkaroon ng gitgitan ang biktima at suspek bago mangyari ang pamamaril.
Panay din umano ang busina ng suspek kahit nasa tamang linya naman ang sasakyan ng biktima.
Nang maghiwalay ang dalawang sasakyan bago sumapit sa tunnel, binaril ng suspek ang bintana sa kanang bahagi sa likod ng sasakyan ng biktima.
Tumama ang bala sa likod ng biktima at tumagos sa leeg bago lumusot ang bala sa bintana sa bahagi ng driver.
Dumiretso sa tunnel ang sasakyan ng biktima at doon ay nakabangga ng ilang motorsiklo bago tuluyang tumigil. Habang ang sasakyan ng suspek, dumiretso paibabaw.
Nadakip ang suspek noong Miyerkules ng umaga sa Pasig. -- FRJ, GMA Integrated News