Pinuno ng Registration Section ng Land Transportation Office-Central Office sa Quezon City ang babaeng nasawi matapos pagbabarilin sa kaniyang sasakyan nitong Biyernes ng gabi sa nabanggit na lungsod.
Nitong Sabado, kinilala ng LTO ang biktima na si Mercedita Gutierrez, na binaril sa loob ng minamaneho niyang van malapit sa panulukan ng K-H Street sa Kamias Road, Brgy. Pinyahan.
Bumangga pa ang van ni Gutierrez sa isang delivery truck na nasa kaniyang harapan.
Sa imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD), sakay ng motorsiklo ang bumaril sa biktima.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News 24 Oras Weekend, sinabi ng driver ng truck na nakatigil sila nang sandaling iyon nang huminto sa pagitan nila ang gunman at bumaba ng motorsiklo saka binaril ang biktima.
"May narinig akong dalawang putok, tapos maya-maya may bumangga na sa likod ko," ayon sa driver.
Ayon sa ulat, sa opisina ni Gutierrez dumadaan ang lahat ng sasakyan na ipinaparehistro, lokal at mga galing sa abroad.
Mariing kinondena ng LTO ang ginawang pagpatay sa isa nilang mataas na opisyal.
“This is a cowardly act and we assure her family and the public of our untiring efforts to coordinate with the Philippine National Police and closely monitor the investigation of this incident to bring all the perpetrators of this crime behind bars,” sabi ni Richie Cortez sa binasang pahayag ng LTO.
Bumuo na ang QCPD ng Special Investigation Task Group (SITG-Gutierres) na magsisiyasat sa krimen para matukoy ang motibo at mga salarin.
Sa ngayon, hindi pa masabi ng pulisya kung may kinalaman ang trabaho ni Gutierrez sa krimen.--FRJ, GMA Integrated News