Isang babaeng opisyal ng Land Transportation Office (LTO) ang nasawi matapos siyang pagbabarilin ng mga salarin habang sakay ng van sa Quezon City nitong Biyernes ng gabi.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News "Saksi," sinabing nangyari ang pananambang sa Kamias Street corner K-H Street.
Bumangga pa ang van ng biktima sa likuran ng isang delivery truck.
Suot pa ng biktima ang kaniyang LTO ID nang makita ang kaniyang katawan sa loob ng sasakyan.
May mga tama naman ng bala ang gilid na bintana ng sasakyan ng biktima.
Ayon sa driver ng truck, nakasakay sa motorsiklo ang mga bumaril sa biktima.
"Kaka-stop lang namin, Sir, tapos maya-maya may narinig akong dalawang putok...tapos maya-maya biglang may bumangga na sa likod ko. Tumingin ako sa side mirror, nakita ko yung naka-motor na sumemplang sa gilid, tapos tinayo pa niya, inikot niya tsaka siya umalis," ayon sa truck driver.
Hindi pa tinukoy ng Quezon City Police District ang pagkakakilanlan ng biktima.
Pero isang investigation task group umano ang bubuuin para lutasin ang krimen.-- FRJ, GMA Integrated News