Patay sa pamamaril ang isang kapitan ng barangay sa Muntinlupa City. Ang mga salarin, tumakas sakay ng motorsiklo.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing nangyari ang pamamaril kay Ronaldo Loresca, chairman ng Barangay Buli, noong Miyerkules ng gabi.
Ayon sa saksi, isang motorsiklo na may sakay na dalawang tao ang tumigil hindi kalayuan sa kinaroroonan nila ng biktima at nagpaputok ng baril.
“Pagtigil ng motor diyan, pak-pak-pak ganun kaagad kaya pagtingin ko nakasubsob na kaagad siya, may dugo dito,” kuwento ng saksi.
Sinabi naman ng isa pang saksi na katabi niya ang biktima nang mangyari ang pamamaril. Paniwala niya, bihasa ang bumaril sa kapitan dahil hindi ito bumaba ng motorsiklo at tumama sa biktima ang lahat ng ipinutok.
“Akala nga namin noong una, sumabog na gulong ng motor, kaya nagulat sabi pa nga ni Kap, ‘aba o’, yung lang ang nabanggit niya kasi lahat kami nagsi-cellphone, nakayuko lahat,” pahayag niya.
Kabilang sa tinamo ng biktima ay tama ng bala sa ulo na isinugod pa sa ospital.
Wala namang maisip na motibo ang mga kaanak ng biktima para paslangin ang kapitan. Wala rin umano itong nababanggit na banta sa buhay.
Nananawagan ang lokal na pamahalaan sa sinomang may impormasyon sa krimen na makipagtulungan sa imbestigasyon ng pulisya.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya at pagsusuri sa mga CCTV footage ng Muntinlupa Operations Center. --FRJ, GMA Integrated News