Inaasahang tataas na naman ang presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Batay sa nakalipas na apat na araw ng oil trading sa world market, sinabi ni Rodela Romero, Director III ng Department of Energy-Oil Industry Management Bureau, na posibleng maglaro sa P0.45 hanggang P0.65 bawat litro ang madagdag sa presyo ng gasolina.
Samantala nasa P0.35 hanggang P0.55 per liter naman ang posibleng itaas sa presyo ng diesel, at P0.45 hanggang P0.60 per liter sa kerosene.
Nilinaw ni Romero na maaaring magkaroon pa ng pagbabago sa halagang nabanggit batay sa kalalabasan ng final computation sa resulta ng kalakalan ngayong Biyernes.
“The estimated increases in the prices of petroleum products for next week are attributed to the OPEC+ production cut where analysts are awaiting the June 1 meeting that will focus on their output policy; a stronger dollar that makes crude oil more expensive for non-dollar economies and the rebound in demand from China,” paliwanag ni Romero.
Inaanunsyo ng mga kompanya ng langis ang price adjustments tuwing Lunes, at ipatutupad naman sa susunod na araw, Martes.
Ngayong taon, umabot na sa P7.15 per liter ang kabuuang itinaas sa presyo ng gasolina, P4.45 per liter sa diesel, habang nagkaroon ng pagbaba sa presyo ng kerosene na umabot sa kabuuang P1.35 per liter. —FRJ, GMA Integrated News