Itinanggi ni dating Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. na hinarang niya ang umano'y 2012 Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) surveillance operation laban sa ilang personalidad na sangkot sa paggamit umano ng ilegal na droga, kasama sina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., na senador noon, at aktres na si Maricel Soriano.
Ginawa ni Ochoa ang pahayag sa pagpapatuloy ng imbestigayon ng Senate public order and dangerous drugs committee nitong Lunes, na pinamumunuan ni Senador Ronald "Bato" dela Rosa, tungkol sa umano'y "PDEA leak" report, na nauna nang itinanggi ng liderato ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sa naturang pagdinig, sinabi ni Ochoa, naging executive secretary noong 2010 hanggang 2016, sa ilalim ng administrasyon ng namayapang dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III, na hindi niya kilala si dating PDEA deputy director general Carlos Gadapan.
Sa mga naunang pagdinig, sinasabi ni dating PDEA intelligence agent Jonathan Morales, na hindi na itinuloy ang operasyon niya laban kina Marcos at Soriano, at iba pa noong 2012, dahil ipinatigil daw ito ni Gadapan, batay naman umano sa utos ni Ochoa.
Ayon kay Ochoa, hindi niya kilala si Gadapan, at hindi niya alam ang sinasabing PDEA report umano tungkol kina Marcos at Soriano.
Dagdag pa ni Ochoa, walang pre-operation report na sinasabing galing kay Morales ang nakarating noon sa kaniyang opisina.
"As I earlier mentioned, I don’t even know him (Gadapan). And I don’t recall of any occasion that we have met or even talked. So I completely deny that I have made those instructions as alleged," paliwanag ni Ochoa.
Sinabi ni Ochoa na wala siyang maisip na dahilan kung bakit idinawit ni Morales ang pangalan niya sa naturang usapin.
Wala rin natatandaan si Ochoa na sinasabing inimbitahan si Morales sa Law Enforcement Integrated Office (LESIO) ng Malacañang para sa umano'y briefing tungkol sa sinasabing PDEA operations.
"I cannot recall exactly if that indeed took place, but I only learned now when this hearing was conducted and I somehow, but very, very vaguely, if there was an incident that happened, but I'm not so sure -- because I was never informed of such meeting and even after that meeting there was no report submitted to me in regard to what transpired in that meeting," sabi ng dating opisyal.
Law partner si FL Liza Araneta Marcos
Tinanong din ni Dela Rosa si Ochoa tungkol sa "insinuations" sa social media na kaya umano niya ipinatigil noon ang operasyon laban kay Marcos ay dahil kay Atty. Liza Araneta-Marcos, Unang Ginang na ngayon, dahil sa pagiging law-partner nila.
"There were insinuations, ito naman ay insinuations lang, na kaya daw nagkaroon ka ng interest na ipahinto yung operations because again, you were influenced by your partner in the law firm. Those are some insinuations lang. So we want to hear from you about this," tanong ni Dela Rosa kay Ochoa.
Tugon ni Ochoa, "That is not true, your honor."
Gayunman, inamin ni Ochoa na law partner niya si FL Liza sa MOST (Marcos, Ochoa, Serapio and Tan) Law Firm, na binuo noong 2006. Pero kinailangan umano niyang bumitaw rito mula nang italagang executive secretary noong 2010.
Sa mga naunang pagdinig ng Senado, itinanggi ni Maricel Soriano ang alegasyon laban sa kaniya.
Nang hingan naman noon ng komento ni Marcos, tinawag niya na "professional liar" si Morales na inihalintulad pa sa jukebox na kakanta kapag nilagyan ng pera. —mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated NewsNews