Arestado ang magbayaw na tandem umano sa pagnanakaw ng mga electric meter sa Quezon City.
Ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Lunes, nahuli ang magbayaw sa Barangay South Triangle at nasabat sa kanila ang limang electric meter mula sa iba't ibang commercial establishments na nagkakahalaga ng mahigit P32,400.
Bago nadakip ang dalawa, nakatanggap ng reklamo ang pulisya na may unang nanakawan din ng electric meter, dahilan para magkasa sila ng operasyon.
"May napansin sila (pulis) na dalawa na nakasakay ng motor na may dala-dalang metro, kaya nung napansin nila sinundan nila at napansin din 'yung motor walang plaka. Kaya nung sinita na nila, sinabing parts daw ng motorsiklo 'yon pero nung tinignan 'yung dala-dala nilang bag, mga metro pala ng kuryente," kuwento ni Police Major Mike Diaz, deputy station commander ng Kamuning Police.
Inaalam pa ng pulisya kung may kasamahan pa ang magbayaw na kapwa dayo sa Quezon City mula sa Pasig.
"Ang modus nila, nagnanakaw sila ng mga metro ng kuryente at pagkatapos kapag nakuha na ay binibenta nila online sa halagang P500 hanggang P700," sabi ni Diaz.
Business establishments daw ang kadalasang tina-target ng dalawa.
Sinubukan ng GMA Integrated News na kunin ang panig ng magbayaw pero tumanggi silang magbigay ng pahayag. Kasalukuyan silang nakakulong sa Kamuning Police Station at nasampahan na ng patung-patong na reklamo. —KBK, GMA Integrated News