Nadakip ang isang lalaking tricycle driver na wanted sa panghahalay umano sa asawa at anak ng isang inmate sa Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing dinakip ang 39-anyos na tricycle driver sa Barangay Bahay Toro, na subject ng warrant of arrest para sa kasong two counts ng statutory rape.

Nang makarating sa police station ang suspek, natuklasang mayroon pa siyang isang warrant para sa kasong rape by sexual assault.

Sinabi ng pulisya na 2020 nang unang mabilanggo ang lalaki dahil sa pagnanakaw, ngunit nakalaya pagkalipas ng dalawang taon.

Ayon sa QCPD, ginahasa umano ng suspek ang anak ng kapwa niya inmate nang dalawang beses, at pinagsamantalahan din ang asawa nito matapos makalaya.

Bukod dito, miyembro rin ng criminal gang na sangkot sa akyat-bahay, pagnanakaw at carnapping sa Quezon City ang suspek.

Una sa most wanted person list ng Project 6 Police Station ang lalaki.

Itinanggi ng lalaki ang mga reklamo laban sa kaniya.

Inihahanda na ang mga dokumento para sa return of warrant. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News