Inaresto ang isang security guard sa Quezon City matapos umanong gahasain ang kaniyang 16-anyos na anak na babae, ayon sa Anonas Police Station nitong Miyerkoles.

Nagsampa ng reklamo ang biktima kasama ang kaniyang ina laban sa suspek, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita.

“Humingi po ako ng pasensya sa asawa at sa pamilya ko sa nangyari sa anak ko na nagawa kong mali. Sobra yung pagsisisi ko. Kung bibigyan lang ako ng pagkakataon talagang babawi ako nang sobra-sobra,” sabi ng suspek.

Ayon sa suspek, nakainom umano siya nang mangyari ang insidente at siya ay gumagamit ng ilegal na droga.

Haharap sa reklamong statutory rape ang suspek. —Joviland Rita/ VAL, GMA Integrated News