Matapos paluhurin ni Naoya Inoue noong Disyembre, pinatunayan ng Pinoy boxer na si Marlon Tapales na may ibubuga pa siya matapos pasukuin sa unang round ng kanilang laban ang katunggaling Thai para WBC Asian Continental super bantamweight belt na ginanap nitong Biyernes sa Midas Hotel and Casino sa Pasay.
BASAHIN: John Riel Casimero, hanga sa depensa ni Marlon Tapales pero 'di kaya ang lakas ni Naoya Inoue
Sa unang round pa lang, kaagad na inatake ng dating two-division champion na si Tapales si Thai fighter na si Nattapong Jankaew.
Dalawang beses agad napatumba ni Tapeles si Jankaew, hanggang sa tuluyan nang ipatigil ng referree ang laban sa ikatlong pagbagsak ng dayuhan pagkaraan ng two minutes, 15 seconds ng nasabing round.
Matatandaan na pinaluhod ni Naoya si Tapales sa 10th round ng kanilang laban para agawin ang WBA at IBF super bantamweight belts ng Pinoy at isama ng Japanese fighter sa hawak niyang WBC and WBO super bantamweight belts.
Sa panalo ni Tapales kontra kay Jankaew, gumanda ang record niya sa 38-4 na may 20 knockouts, habang bumaba naman si Jankaew sa 12-4 na may 8 knockouts.
Sa co-main event, nabigo ang Pinoy world title challenger na si Reymart Gaballo, laban sa Mexicano na si Kenbun Torres.
Tatlong beses bumagsak si Gaballo, bago tuluyang itinigil din ng referree ang laban at itanghal na panalo si Torres, sa 2:33 ng nasabing round.
Mayroon na ngayong 14-5 with 10 knockouts fight record si Torres.-- mula sa ulat ni JM Siasat/FRJ, GMA Integrated News