Ikinamangha ng mga saksi ang ginawang pag-“mukbang” ng isang higanteng monitor lizard sa nahuli nitong malaking sawa sa isang garden sa Singapore.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapapanood na tila naging “spaghetti” ang ahas habang sinusubukan itong kainin nang buo ng monitor lizard.
Gayunman, nahirapan ang monitor lizard sa paglunok sa malaking sawa.
Tila kasya naman ito sa kaniyang bibig, pero hindi niya kayang lunukin nang buo ang ahas.
Sa huli, iniluwa niya na lamang ang sawa.
Ayon sa mga residente, namataan ang ilan pang monitor lizards sa kanilang lugar ngunit ito ang unang pagkakataon na nakakita sila ng monitor lizard na lumulunok ng sawa.
Sinabi ng mga eksperto na carnivorous o kumakain ng iba pang hayop ang monitor lizards.
Ang monitor lizard ay kayang lumunok ng mga pusa, aso o kambing habang ang mga maliliit naman, kayang kumain ng mga insekto, isda at invertebrates.
Gayunman, hindi umaatake ng tao ang halos lahat ng monitor lizards. Tanging ang Komodo dragon lang ang banta sa mga tao.
Hindi umano sila umaatake ng mga nilalang na hindi kasya sa kanilang bibig. --Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News