Sa kulungan ang bagsak ng isang ama sa Quezon City matapos umanong paulit-ulit na gahasain ang 14-anyos niyang anak mula pa noong 2022.
Sa ulat ni John Consulta sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing dinakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation - Violence Against Women and Children Division (NBI–VAWCD) ang lalaki sa kaniyang bahay matapos isumbong ng sariling anak.
“Ang sabi ng bata, halos araw-araw daw since 2022 siya ginagahasa ng kaniyang sariling ama dahil ang kaniyang ina ay nagtatrabaho ng panggabi. Every night, wala roon ang nanay niya kaya nagkakaroon ng oportunidad ‘yung tatay para gahasain siya sa sarili nilang bahay,” sabi ni Atty. Yehlen Agus, hepe ng NBI–VAWCD.
Tinangka raw magsumbong ng biktima sa kaniyang ina ngunit hindi siya umano pinaniwalaan nito.
Muling inabuso ang biktima noong Mayo 5, ngunit naglakas-loob na itong tumakas at humingi ng tulong sa isang miyembro ng kalapit na simbahan, na siyang naglapit sa kaniya sa NBI.
“Minsan iiyak siya bigla, nato-trauma siya, nade-depressed siya sa mga nangyayari na sarili niyang ama ang gumagahasa sa kaniya,” sabi ni Agus.
Nai-turn over na ang biktima sa mga social worker at nasa pangangalaga na ng isang shelter.
Sinusubukan pang kunan ng panig ng GMA Integrated News ang suspek, na nakakulong na sa NBI Detection Facility sa New Bilibid Prison. —Jamil Santos/KBK, GMA Integrated News