Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong Lunes na hindi gagamit ang Pilipinas ng water cannon sa pagtatanggol sa teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).
Sa ambush interview sa 2024 GOCC Day, sinabi ni Marcos na hindi niya gustong palalain ang tensyon sa WPS kasunod nang ginawang pambobomba ng tubig ng China Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas noong nakaraang linggo.
"No. We are... what we are doing is defending our sovereign rights and our sovereignty in the WPS, and we have no intention of attacking anyone with water cannons or any other such offensive,'' ayon sa pangulo patungkol sa mga mungkahi na gumamit din ng water cannon ang Pilipinas.
"The last thing we would like is to raise the tensions in the WPS. That's the last,'' dagdag ni Marcos, sabay sabi na hindi gagayahin ng puwersa ng Pilipinas ang ginagawa ng Chinese Coast Guard at Chinese vessels.
Nitong nakaraang linggo, binomba ng tubig ng CCG ang mga barko ng Pilipinas malapit sa Scarborough Shoal, o Bajo de Masinloc, na magdadala ng tulong at krudo sa mga mangingisdang Pinoy sa lugar.
Kasunod ng nangyari, iminungkahi nina Senate Minority Leader Aquilino "Koko" Pimentel III at Senator Robin Padilla na gumamit na rin ng water cannon ang mga barko ng Pilipinas.
Ipinatawag naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Chinese Embassy to Manila na si Deputy Chief of Mission Zhou Zhiyong, kaugnay sa naturang insidente.
Iprinotesta rin ng DFA ang "harassment, ramming, swarming, shadowing, blocking, use of water cannons, and other aggressive actions by the China Coast Guard and Chinese Maritime Militia against Philippine vessels."
Iginiit din ng DFA na dapat umalis na ang mga Chinese vessels sa Bajo de Masinloc at kalapit na lugar na bahagi ng WPS.—mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News