Inihayag ni Speaker Martin Romualdez na aamyendahan ng Kamara de Representantes ang Rice Tariffication law (RTL) para payagan ang National Food Authority (NFA) na magbenta muli ng murang bigas.
Ginawa ni Romualdez ang pahayag matapos ang unang pagdinig sa mga panukalang amyendahan ang RTL bago isalang sa House committee on agriculture and food.
Ang RTL ang nagpahintulot sa mga negosyante na mag-angkat ng bigas sa layuning maibaba nito ang presyo ng bigas sa dami ng supply sa merkado, bagay na hindi nangyari at nanatiling mataas pa rin ang halaga ng naturang pangunahing produkto sa bansa.
BASAHIN: Kadiwa store na may ibinebentang bigas na P20 per kilo, pinilahan
Kasama sa probisyon ng RTL ang pagbabawal naman sa NFA na bumili ng imported rice at ibenta ito sa merkado na dati nitong ginagawa.
Sa halip, inatasan ng RTL ang NFA na sa mga lokal na magsasaka bumili ng bigas, na ilalagay naman sa imbakan upang matiyak na hindi kakapusin sa supply ng bigas ang bansa, lalo na sa panahon ng kalamidad.
Batay sa datos ng pamahalaan, ang mataas na presyo ng bigas ang isa sa mga dahilan ng mataas na inflation sa bansa. Nitong Marso, naitala ang rice inflation rate sa 24.4%, kumpara sa 23.7% noong Pebrero.
“These amendments to RTL...we are pounding on this because the President [Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.] told us that we have to find ways how to bring down rice prices,” sabi ni Romualdez sa mga mamamahayag.
“Tina-target natin na by June, iyong presyo ng bigas will be down by P10 to P15 per kilo....close to P40 per kilo [na lang ang presyo] by having the NFA bring to the market the affordable rice,” dagdag ni Romualdez.
Umaasa si Romualdez na kikilos din kaagad ang Senado sa gagawing pag-amyenda sa RTL.
“We call on our friends in the Senate to make this measure an urgent matter [for approval] and make the coordination with the Office of the President to bring down the rice prices. Ito ang gusto ng Presidente,” dagdag ng lider ng Kamara.
“Aaraw-arawin nila ang hearings para maipasok iyong mga amendments, sa taripa, sa tez, at iyong pagbili ng NFA ng bigas thru the DA (Department of Agriculture)," ani Romualdez.
“Ngayon kasi, may limitasyon [dahil sa RTL]. Ito (amendments) ang paraan na nakikita natin. Bago mag-sine die [adjournment], tatapusin natin ito para mapapababa ang presyo ng bigas,” pagtiyak niya.
Gayunman, nilinaw ni Romualdez na walang katiyakan sa gagawin nilang hakbang kung maibaba nila sa P20 ang per kilo ng bigas.
“World market prices of rice are really high right now, but that [P20 per kilo] is the aspiration, target,” sabi ng lider.
“The goal here is not really the price, but to have rice prices that are affordable because the President does not want to burden the consumers,” ayon kay Romualdez.— mula sa ulat ni Llanesca T. Panti/FRJ,GMA Integrated News