WEST PH SEA - Hindi man kasali sa Balikatan Exercise pero narito rin sa West Philippine Sea ang isang barko ng People’s Liberation Army-Navy ng China.
Dumikit pa nga ito sa mga barko ng Amerika at Pilipinas na sa isang punto ay halos nasa tatlong nautical miles na lamang ang distansya.
Sabi ni Commander Marco Sandalo, commanding officer ng BRP Davao del Sur, bumungad sa mga barko ng Pilipinas at Amerika ang barko ng China Sabado ng umaga nang mula Sulu Sea, tumagos patungong West Philippine Sea ang magkaalyado.
Nasa 50 nautical miles noon sa kanluran ng Northern Palawan ang magkakaalyadong navy nang makita ang barko ng PLA-Navy.
Ayon pa sa skipper ng BRP Davao del Sur, isang surveillance vessel umano ng Chinese Navy ang barkong ito, na may bow number 793, na naglalayong sundan sila.
"Since na na-monitor natin may mga movement sila and we can consider na nagka-conduct sila ng shadowing operations,” ani Sandalo.
Pero hindi nagpatinag ang patrol vessel na BRP Ramon Alcaraz na hindi alintana ang tila nakabantay na Chinese navy vessel..
Dinaanan lamang din ito ng landing ship dock na USS Harpers Ferry ng Amerika nang magkrus ang landas nila sa dagat.
Kung tutuusin nasa loob ng itinakdang operational box ng multilateral maritime exercise ang barko ng China na bagama't nagbabago-bago ng posisyon, hindi naman nag-radio challenge sa mga barko ng Pilipinas at Amerika.
Hindi rin nagbigay ng radio challenge sa kanya ang Philippine Navy maliban na lang kung malalagay sa peligro ang kaligtasan ng mga naglalayag na barko.
“Wala pang radio challenges na nagaganap. We will be providing radio challenges kapag nakita namin that they will impede or obstruct and especially affect yung safety of navigation ng ating exercise,” mahinahong paliwanag ni Sandalo.
Sa kasagsagan ng exercise ngayong araw, namataan din sa West Ph Sea ang isang eroplano ng Philippine Air Force na nag-flyby malapit sa kinaroroonan ng mga barko ng Pilipinas, Amerika, at pati na rin ng China.
Sa ikalawang araw naman ng cross deck landing drills, tila nakamasid lang ang Chinese Navy vessel sa paglipad ng AgustaWestland chopper ng BRP Ramon Alcaraz na nagtungo sa BRP Davao del Sur.
Nag-touch and go ang helicopter bilang bahagi ng proficiency sa landing at takeoff sa kaalyadong barko.
Lumapag din sa USS Harpers Ferry ang helicopter ng Philippine Navy.
At sa pagtake off nito mula sa barko ng Amerika, nadaanan nito ang nagmamasid na barko ng China.
Iginiit ni Cdr. Sandalo na hindi sila natakot sa presensyang barko ng China. Ang mahalaga raw, nagawa ang naka-schedule nang exercise na walang aberya.
"We are not threatened by their presence. Yun ang pinaka importante we were able to conduct sucessfully yung ating activity without any accidents or mishaps lahat natuto sa ganitong activity,” anya.
Wala sa pagsasanay ngayong Sabado ang French Navy frigate na Vendemiaire dahil may ginawa raw itong "operational requirements,” pero inaasahang makakasama muli ng Pilipinas at Amerika sa pagpapatuloy ng multilateral maritime exercise dito sa West Philippine Sea.
Bukod naman sa USS Harpers Ferry, nasa West Philippine Sea na rin ang USS Sommerset para makilahok rin sa Balikatan Exercise. — DVM, GMA Integrated News