Nasawi ang isang architect matapos siyang mabagsakan ng pader, bakal at scaffolding sa isang ginagawang bahay sa Makati City.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing walang malay at duguan ang architect nang alisin ng mga rescuer ang bumagsak sa kaniyang pader sa ginagawang bahay pasado 5 p.m. nitong Biyernes sa Barangay Olympia.

Sa ospital pumanaw ang architect.

Nagtamo rin ng sugat sa ulo ang construction worker na si Gilbert Formaran ngunit hindi na siya nagpadala sa ospital, ayon sa barangay.

Ayon kay Formaran, nagtutupi siya ng bakal nang mangyari ang insidente.

Isa pang kasamahan ni Formaran ang nasa ospital pa matapos tamaan ng pader sa likod.

Sinabi ng pamunuan ng Barangay Olympia na Disyembre 2023 nang masunog ang bahay na nakatayo sa kasalukuyang construction site.

Sinabi ng barangay na planong muling gawin ang nasunog na bahay kaya kumuha ito mula sa kanila ng demolition permit.

Napansin naman ng barangay na hindi mga nakasuot ng safety gear ang anim na nagtatrabaho sa construction site nang gumuho ang pader at mga bakal.

Nakausap na ng barangay kapitan ang may-ari ng bahay, na kaibigan ng nasawing arkitekto.

Nagsagawa na ng imbestigasyon ang pulisya kung sino ang posibleng mananagot sa insidente, at nakikipag-ugnayan na sila sa barangay tungkol sa may-ari at construction firm na may hawak ng demolition. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News