Naglayag na ang Navy ships ng Pilipinas, Amerika, at France para sa pagsisimula ng multilateral maritime exercise na bahagi ng Balikatan Exercise.
Unang umalis sa Puerto Princesa Port sa Palawan nitong Biyernes ng umaga para sa naturang pagsasanay ang French Frigate na FFH Vendemiere.
Sumunod naman ang offshore patrol vessel ng Pilipinas na BRP Ramon Alcaraz, at ang BRP Davao Del Sur, na isang landing dock ship ng Philippine Navy.
Dakong tanghali naman umalis sa pantalan ang landing dock ship ng Amerika na USS Harpers Perry.
Nagkita-kita ang mga barko sa Sulu Sea sa bisinidad ng north east Palawan para sa pag-e-ensayo ng division tactics o mga formation ng mga barko.
Ayon kay Commodore Marco Sandalo, Commanding Officer ng BRP Davao del Sur, mahalaga ang naturang aktibidad sa pagsasanay ng mga tauhan ng Philippine Navy kasama ang mga kaalyadong bansa.
“This activity will actually build yung confidence ng ating bridge team na nandito together with other participants, participants. With these exercises yung mga close maneuvers definitely it will increase their capability to work together," ayon kay Sandalo.
Sa Sulu Sea ginaganap ang unang bahagi ng multilateral maritime exercise pero lilipat din ito kalaunan sa West Philippine Sea.
Sa unang pagkakataon, gaganapin sa labas ng 12 nautical miles na territorial waters ng bansa ang maritime exercise ng Balikatan. Dadalhin ito sa West Philippine Sea na pasok pa rin sa 200 nautical miles ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Mahalaga umano ang pagpapatrolya sa EEZ ng bansa kasama ang mga kaalyadong bansa.
“It’s very significant to show that we have partners specifically on ensuring maritime security within the Indo-Pacific region,” ani Sandalo.
Sakaling may sumulpot na Chinese vessel malapit sa pinagdarausan ng maritime exercise, sabi ni Sabado, “Sa tingin ko walang magiging problema because this is an annual event between the U.S. and the Philippines and we will continue with our exercises.” -- FRJ, GMA Integrated News