Personal na nakiramay si Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa pamilya ng babaeng Grade 8 student na binaril at pinatay habang papasok sa eskuwelahan noong nakaraang linggo sa Batangas.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Southern nitong Miyerkules, sinabing pinuntahan ni Duterte ang pamilya ng biktima kaninang tanghali sa Cuenca, Batangas.
Ayon sa kaanak ng 13-anyos na biktima, kinausap sila ni Duterte pero hindi na muna nila puwedeng ibahagi ang detalye ng kanilang napag-usapan.
Nag-abot din ng tulong pinansiyal si Duterte sa pamilya ng biktima, at inatasan umano ang kapulisan na lutasin sa madaling panahon ang kaso.
Nitong nakaraang linggo nang basta na lang binaril ng isang lalaki ang biktima na naglalakad sa Agoncillo, Batangas para pumasok sa eskuwelahan.
Isang tama ng bala ng baril sa ulo ang tumapos sa buhay ng biktima.
Nakatakas naman ang suspek na sumakay sa motorsiklo.
Sa naunang mga ulat, inihayag ng pulisya na posibleng napagkamalan lang ng salarin ang biktima.-- FRJ, GMA Integrated News