Pagdating sa pera, tila walang kaibi-kaibigan sa isang lalaki na pinagbantaan ang kaniyang kaibigan na ipakakalat ang pribadong video nito kasama ang nobya kapag hindi nagbigay ng pera.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkoles, nahuli ang suspek sa Makati nang abangan nang ipa-cash-out ang pera na ipinadala sa kaniya ng biktima na itinago sa pangalang "Jake."
Noong una, hindi alam ni Jake na kakilala niya ang nangingikil sa kaniya dahil gumamit ito ng dummy account sa social media para ipadala ang screenshot ng private videos nila ng kaniyang nobya.
Pero nang magpa-cash-out na ang suspek, doon na niya natuklasan na kaibigan niya ang nangingikil sa kaniya.
Hinala ni Jake, nakita at nakuha ng suspek ang kanilang private video nang minsang ipahiram nito ang kaniyang cellphone.
"Naiwan daw niya yung cellphone niya nung time po na yun. Hiningi niya ang password, tinaype ko, tapos saka ko binigay. Wala akong idea na nagpunta na siya sa gallery," ayon sa biktima.
Dalawang buwan matapos noon, nakatanggap na siya ng mga mensahe na hinihingan siya ng pera para hindi ipakalat ang kaniyang private videos.
"Gumawa siya [suspek] ng another FB account, dummy account para 'di siya makilala. Yung account na 'yon, yun ang nananakot ngayon doon sa mag-boyfriend," sabi ni Police Captain Michelle Sabino, PNP-Anti Cyber Crime Group.
Nagpadala na umano ng pera noong una ang biktima pero muling humingi nang humingi ang suspek kaya nagsumbong na sa pulis ang magkasintahan para madakip ang suspek.
"Nang nagpadala ng pera doon sa cash-in, cash-out store, dun sa CCTV nakita yung tattoo [ng suspek], nalaman niya [ng biktima] na friend niya yung gumagawa," sabi ni Sabino.
Pero bukod sa ginawang panloloko ng kaibigan at idinulot sa kanilang trauma, namimiligro na rin na hindi ituloy ng magkasintahan ang plano nilang kasal sa takot na malaman ng kanilang mga kaanak ang nangyari.
Hindi na nagbigay ng pahayag ang suspek na nahaharap sa patong-patong na reklamo, kabilang ang robbery extortion, swindling, grace threat at iba pa.-- FRJ, GMA Integrated News