Arestado ang isang abogado at kaniyang kasama sa buy-bust operation ng pulisya sa Quezon City kung saan P1.3 milyong halaga ng droga ang nasabat.
Ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, naaresto ang isang 57-taong-gulang na lalaki at 39-taong-gulang na babae sa isang bahay sa Barangay Central matapos mabilhan ng nasa 200 na gramo ng umano'y shabu.
Ayon sa pulisya, dalawang buwan silang nagsagawa ng surveillance sa lugar bago isinagawa ang buy-bust operation.
"Napakaraming tawag from barangay na merong iba't ibang tao na pumupunta doon sa bahay na iyon. Merong naka-kotse, merong naka-motor, at alanganing oras ng gabi, dis-oras ng gabi," ani Police Major Wennie Ann Cale, officer-in-charge ng Quezon City Police District-Drug Enforcement Unit (QCPD-DEU).
Lumalabas sa imbestigasyon na isang abogado ang lalaking suspek habang ang babae ay dati nang nakulong dahil sa kasong may kinalaman sa droga.
"Matagal na siyang abogado. Actually nag-serve pa siya under government agencies natin hanggang sa siya ay nag-private lawyer na," sabi ni Cale.
Samantala, "distributor" daw ng abogadong suspek ang asawa ng babaeng suspek. Dati rin niya umano itong kliyente.
Sinampahan na ang dalawa ng reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Hindi nagbigay ng pahayag ang dalawa, na kasalukuyang nakapiit sa QCPD Station 10. —KBK, GMA Integrated News