Nabisto ang isang bus driver na naglalaro umano ng mobile game habang nasa biyahe. Pero paliwanag ng driver, hindi talaga siya naglalaro at nasa pila umano ang kaniyang sasakyan.

Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News 24 Oras nitong Martes, ipinakita ang video na ini-upload sa isang mobility website, habang hawak ng driver ang kaniyang cellphone at nasa harap ng manibela.

Pero paliwanag ng driver, hindi siya naglalaro at sinilip lang niya ang kaniyang cellphone.

“Hindi po, ginanun-ganon ko lang. Pag-abante, umabante na po. Nakabukas ako sa COC…Tiningnan ko lang, traffic naman po kasi tanghali, inaantok po… pantanggal ano ba… yung antok, yung inip,” ayon sa driver.

“Haharapin ko nalang po yung ano… mali ko naman talaga…” dagdag pa niya.

Ayon pa sa driver, nasa loob na siya ng EDSA Bus Carousel barrier sa Roxas Boulevard at nakapila.

Sa kabila ng paliwanag, sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na maaaring maharap sa reklamo ang driver dahil sa paglabag sa Anti-Distracted Driving Act. Posible ring madamay ang kompanya ng bus.

Padadalhan umano ng show-cause order ang driver at ang bus company para pagpaliwanagin sa insidente.

“Bawal gumamit ng cellphone habang nagmamaneho. For the bus company po, for employing a negligent employee, the franchise can be suspended," sabi ni LTFRB Chairman Attorney Teofilo Guadiz III.

Sa ilalim ng Republic Act 10913, ipinagbabawal sa mga driver na magsulat, magpadala, magbasa ng text, tumawag, maglaro, manood, mag-surf, o gawin ang anumang aktibidad na nasa ilalim ng “distracted driving” habang nasa biyahe, o kahit nakatigil sa stoplight.

Tanging ang mga emergency vehicles on-call ang exempted sa naturang batas.

Ang mga lalabag ay maaaring magmulta ng P5,000 hanggang P20,000, at posibleng masuspinde o makansela ang lisensiya ng driver.— FRJ, GMA Integrated News