Asahan ang pagtaas sa presyo ng gasolina, diesel, at kerosene sa susunod na linggo.
Inihayag ito ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Director III Rodela Romero, batay sa galaw ng kalakalan sa pandaigdigang merkado sa nakalipas na apat na araw.
Inaasahan na ang taas-presyo ay magkakahalaga ng:
Gasoline - P0.90 to P1.20 per liter
Diesel - P1.20 to P1.40 per liter
Kerosene - P1.10 to P1.30 per liter
Maaari pa umano itong magbago sa kalalabasan ng resulta ng kalakalan sa Biyernes, ayon sa opisyal.
Kabilang sa mga dahilan sa inaasahang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo ay bunga umano ng pangamba na lumawak ang kaguluhan sa Middle East, "especially the Israel-Hamas [war] might spread to include Iran,” ayon kay Romero.
Ang iba pang dahilan ay ang pag-atake ng Ukraine sa oil refineries ng Russia, ang patuloy na patakaran ng OPEC sa production cut, at ang palatandaan ng economic growth ng US at India.
Inaanunsiyo ng mga oil company ang price adjustments sa mga produktong petrolyo tuwing Lunes, at ipatutupad sa susunod na raw ng Martes.
Nitong nakaraang Martes, nagkaroon ng pagtaas sa presyo ng gasolina na P0.45 per liter, habang natapyasan ang presyo ng diesel ng P0.60 at ang kerosene ng P1.05 bawat litro. — FRJ, GMA Integrated News