Timbog ang dalawang lalaki na nagnakaw umano ng motorsiklo, matapos nila itong maibenta online at ipa-test drive sa mismong may-ari at kapatid nito sa Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, mapapanood ang isinagawang follow-up operation ng Batasan Police Station sa Barangay North Fairview, sa mga suspek.
Nagtangkang tumakas ang isa sa mga suspek na 18-anyos nang arestuhin, ngunit agad siyang nahabol.
Nagpupumiglas pa ang lalaki habang pinoposasan, habang pinadapa naman ang kaibigan niyang 23-anyos.
"Pinark niya (may-ari) 'yung motor niya sa harap ng bahay niya along the road dito sa Barangay Commonwealth. And then the next morning, mga 10 a.m. nu'ng papasok na siya ng trabaho, nawawala na 'yung motor niya. So immediately, ni-report niya sa barangay tapos dito sa police station," sabi ng Batasan Police Station Commander na si Police Lieutenant Colonel Jerry Castillo.
Ngunit mas nabigla ang may-ari nang makita ng kaniyang kapatid na ibinibenta na online ang kaniyang motor.
Chinat nila ang mga suspek, at inalok ang motor sa halagang P40,000.
"May features like gasgas na sila lang ang nakakaalam. Nakita nila na motor nila 'yung ibinibenta agad online. So nakipag-transact agad 'yung kapatid ng victim doon sa suspects," ayon kay Castillo.
Nagkasundo ang magkapatid at ang mga suspek sa presyo, kaya pumayag na makipagkita ang mga suspek.
"Pinatest drive pa ng mga suspect doon sa victim at sa kapatid niya. So pinaandar. Then noong mabuksan doon sa compartment, andu'n 'yung OR/CR na nakapangalan sa victim," sabi ni Castillo.
Natuklasan din ng pulisya na peke ang ginamit na pangalan ng isa sa mga suspek online.
Nahaharap sa reklamong paglabag sa New Anti-Carnapping Act of 2016 ang mga suspek, na "no comment" nang hingian ng panig.
Patuloy ang imbestigasyon ng QCPD kung may iba pang nabiktima ang mga suspek. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News