May kaunting ginhawa na aasahan sa susunod na linggo ang mga motoristang gumagamit ng diesel sa kanilang sasakyan dahil may tapyas sa presyo nito. Pero dagdag-sakit sa bulsa naman para sa mga gumagamit ng gasolina dahil sa posibleng taas-presyo.

Ayon sa oil industry source nitong Biyernes, posibleng nasa P0.30 hanggang P0.50 per liter ang madagdag muli sa presyo ng gasolina sa susunod na linggo batay sa galaw ng kalakalan sa mga produktong petrolyo sa world market sa nakalipas na apat na araw.

Maaari namang matapyasan ng P0.55 hanggang P0.75 per liter ang presyo ng diesel.

Ayon sa oil industry source, walang trading sa Mean of Platts Singapore (MOPS) ngayong Biyernes.

Ang MOPS ay ang daily average ng lahat ng trading transactions ng diesel at gasoline na sinusuri at sina-summarized ng Standard and Poor’s Platts, ang Singapore-based market wire service, na pinagbabasehan ng Pilipinas sa pagtatakda ng presyo ng local fuel products.

Nitong nakaraang Martes, nagkaroon ng malakihang taas-presyo sa mga produktong petrolyo na nagkakahalaga ng P2.20 per liter sa gasoline, P1/40/L sa diesel, at P1.30/L sa kerosene.—FRJ, GMA Integrated News