Patay ang isang 59-anyos na lalaking na-stroke matapos siyang maipit mula sa nasusunog niyang bahay sa Barangay NBBS Dagat-dagatan sa Navotas City.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapapanood ang matindi at nagngangalit na apoy sa bahay ng biktima pasado 3 a.m.
Dahil dito, sinabi ng city fire marshall na nahirapang makapasok ang mga bumbero.
Tumambad ang labi ng biktima matapos maapula ang sunog.
“Natutulog lang kasi siya sa itaas, siya lang mag-isa. Hindi ko naman kasi alam na nandoon siya. Na-stroke siya, hindi agad siya nakatayo, hirap sigurong tumayo,” sabi ni Josephine Reyes, kamag-anak ng biktima.
Lumabas sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection na posibleng nanggaling ang sunog sa napabayaang kandila sa silid ng biktima na gawa sa kahoy.
Ayon sa Navotas City Fire Marshal na si Fire Superintendent Ronaldo Sanchez, walang kuryente ang biktima kaya kandila ang ginagamit nilang ilaw.
Sa kabila ng mga magkakadikit na bahay, napigilan ang pagkalat ng apoy sa tulong ng mga firewall. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News