Inaasahan na muling dadagsain ng mga tao ang tradisyunal na penitensiya at pagpapapako sa krus sa Barangay San Perdro Cutud sa San Fernando, Pampanga sa Biyernes Santo.
Kabilang sa mga muling magpapako sa krus--sa ika-35 pagkakataon-- si Ruben Enaje, na aminadong mas nagiging mahirap na para sa kaniya ang ginagawang panata lalo na ang pagbuhat sa krus.
"Ang kalusugan naman natin ay medyo may dinadamdam [na] dahil lumaki yung katawan natin, hinihingal kapag nagbubuhat ng mabigat," sabi ni Enaje sa ulat ng GMA Regional TV.
Bukod sa Barangay San Pedro Cutud, magkakaroon ng crucifixion site sa Barangay San Juan at Barangay Sta. Lucia.
Tinataya ng mga awtoridad na posibleng umabot sa 20,000 tao ang pupunta sa lugar para saksihan ang naturang tradisyon.
"We are expecting a lot of people, mga lokal at foreign tourists, to visit the city of San Fernando. The city government will be intervening in terms of the public health and safety, security, and traffic in order to ensure na maayos po at ligtas itong ating 'Maleldo 2024,'" ayon kay Raymond Del Rosario, City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).
Bagaman hindi kinokondena ng CBCP ang pagpapako sa krus ng ilang deboto, hindi naman nila ito hinihikayat na gawin.
Ipinaliwanag ng pamunuan ng Simbahang Katolika na nagdusa at namatay na sa krus si Hesus para linisin ang kasalanan ng mga tao.-- FRJ, GMA Integrated News