Bilang paggunita sa ginawang paghuhugas ni Kristo sa paa ng kaniyang mga disipolo, hinugasan din ni Rev. Fr. Flavie Villanueva ang paa ng mga kapuspalad at mga kaanak ng mga biktima ng extrajudicial killings ngayong Huwebes Santo.
Pagkatapos niyang hugasan ang mga paa, pinunasan niya ito at hinalikan.
Ginawa ito ni Fr. Flavie sa banal na misa sa St. Arnold Janssen Kalinga Foundation sa Tayuman, Maynila.
Ayon kay Fr. Flavie, bago hinugasan ni Kristo ng paa ng kaniyang mga alagad noon, hinubad niya ang kaniyang panlabas na kasuotan na ang ibig sabihin ay hinubad niya ang kaniyang otoridad at ipinakita sa kanila kung paano ang pagsisilbi at pagmamalasakit sa kapwa na nais din niya na gawin nila sa iba.
“Bago niya hugasan, tinanggal niya ang panlabas na kasuotan na sumasagisag sa otoridad at ito’y gusto niyang ipagdiinan na hindi otoridad dapat ang matimbang sa panahon ngayon, bagkus pag-ibig,” saad ni Fr. Flavie.
Dagdag niya, kaya raw nila napiling hugasan ang paa ng mga kapuspalad at mga kaanak ng biktima ng EJK ay dahil nais nilang ipakita sa kanila na mahalaga sila sa mata ng Diyos.
“Kung babalik-tanawin natin ang mga hinugasan ng paa ni Hesus, sila yung mga tinuring na makasalanan, mga isinasantabi, mga nasa laylayan noong panahon ni Hesus. At gayundin naman sa panahon ngayon: mga homeless, mga taong nasa laylayan, mga pinagkaitan ng kalinga at katarungan. So minarapat natin, halina mahalaga kayo sa mata ng Diyos."
Nagpapasalamat naman si Cristina, ang isa sa kaanak ng biktima ng EKJ. “Bilang isa sa natutulungan ng paghilom, sobrang pasalamat kay Fr. Flavie na binuo niya kami rito, pinagsama-sama niya kami sa program paghilom para magkaisa, magkaroon ulit ng tinatawag na pamilya.” — BM, GMA Integrated News