Nangati ang buong katawan ng isang hotel guest matapos gumapang ang mga insekto sa kama, pader at kisame ng kaniyang kuwarto sa Jiangxi, China.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing inilahad ng uploader na wala pa ang mga insekto bago siya matulog.
Gayunman, naalimpungatan siya nang mangati na ang buo niyang katawan.
Agad inireklamo ng guest sa pamunuan ng hotel ang insidente.
Ngunit depensa ng hotel, ito ang unang pagkakataon na nangyari ang paggapang ng mga insekto sa kanilang establisyimento.
“We have never encountered this situation before. These bugs might have flown in through the open windows. It was a humid night, and rain was imminent, so flying insects were seeking sources of light,” sabi ng pamunuan ng hotel.
Inalukan ng hotel ang nagreklamong guest ng refund at complimentary room change.
Ngunit hindi tinanggap ng guest ang alok at sa halip, nag-demand siya ng medical checkup at danyos.
Pinagbigyan ng hotel ang checkup, ngunit hindi pa sila nagkakasundo sa danyos.
Sa Sichuan naman, nagising ang isang babae at kaniyang baby matapos na may gumapang na bubuwit sa kanilang pagkakatulog.
Nang suriin ang CCTV, tumayo ang balahibo ng babae nang makitang gumapang pa ang bubuwit sa mukha ng bata.
Sa kabutihang palad, hindi kinagat ng bubuwit ang mukha ng bata, hindi gaya ng iba pang naitalang insidente. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News