Sinabi ni Senador Raffy Tulfo sa pagdinig ng komite sa Senado, na may isang mananaya ang tumama ng P600 milyong jackpot matapos na tumaya sa tatlong lotto outlet ng tig-P30 milyon, o kabuuang taya na P90 milyon.
Inihayag ito ni Tulfo sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Games and Amusement nitong Lunes, kaugnay sa umano'y kuwestiyonableng pagtama ng ilang mananaya at pagsasara ng ilang lotto outlet.
"Parang nag-invest siya ng P90 million—tig-P30 million each outlet na siya'ng may-ari, outlet A, outlet B, outlet C. This is in the Binondo area," ani Tulfo. "He or she owns these three outlets... Dito so ABC na outlet tinaya niya tig-P30 million sa System 12."
Pinuna pa ng senador na umakyat o dinagdagan umano ang jackpot prize nang tumaya ang mananaya ng P90 milyon.
"Ang nakikita ko lang problema, 'yun bang bago siya mag-invest ng P90 million, saka tinaasan yung prize fund. 'Yung jackpot, dinagdagan ng P500 million to make it P600 million para ma-accommodate 'yung kanyang capital at may tubo pa siya," sabi ni Tulfo.
Pero paliwanag ni PCSO general manager Mel Robles na dumalo sa pagdinig, hindi kaagad napapanalunan ang jackpot at tumataas ito kapag hindi tinamaan.
"Kaya nag-snowball pa nga 'yung iba...May snowballing po kasi 'yan eh. 'Pag hindi tinamaan for the day, dadagdag po talaga yan," ani Robles.
Bagay na hindi sinang-ayunan ni Tulfo tungkol sa tinutukoy niyang mananaya.
"Who would invest P90 million in a game, which he's not certain to win?" sabi ng senador.
Ayon kay Robles, matitiyak lang ang panalo ng isang mananaya kung tatayaan nito ang lahat ng kombinasyon.
BASAHIN: PCSO: Lahat ng kombinasyon, puwedeng tayaan para tiyak
"Even then, kung may makapareho kayo ng taya, problema 'yon," patungkol ng opisyal kung sakaling may kahati sa premyo ang nanalo.
Hindi naman tinukoy ni Tulfo kung anong partikular na lotto game at kailan ang sinasabi niyang napanalunang premyo na P600 milyon.
Noong nakaraang Disyembre, nagsagawa ng programa ang PCSO at itinaas ang minimum jackpot sa ilang lotto games na nagsimula ang premyo sa P500 milyon.
Layunin umano nito na makahikayat ng mas maraming mananaya. Nagtapos din ang nagturang programa noong Enero.
Sa nasabi ring pagdinig, itinanggi ni Robles ang sinabi ni Tulfo noong nakaraang linggo na may isang mananaya na nanalo ng jackpot ng 20 beses sa loob ng isang buwan.
Dagdag pa ng opisyal, wala sa kanilang listahan na may isang mananaya na nanalo ng dalawang beses sa loob ng isang buwan.
Ipinaliwanag ni Robles, na maaaring ipakubra ng nanalong mananaya ang kaniyang premyo sa ibang tao, lalo na kung sa malayong lugar ito nakatira at walang valid ID.
"That’s what I meant that the claimant is not necessarily the winner, although we have to put them as winner," sabi ng opisyal.
Ayon kay Tulfo, may mahigit apat na kaso na may mananaya na ilang beses nanalo.
Noong 2023, may isang tao umano na nanalo ng 37 beses, na ang kabuuang premyo na nakubra ay umabot P8.325 para sa three-digit lotto.
"Nandoon 'yung uniformity na every month tinatamaan niya 'yung tig-P225,000 na premyo, okay? August tig-P225,000, nine times. This amounted to 8.3 million...So ano po probability na one person will hit many, many times in a period of six months with the same amount?," tanong ni Tulfo.
Sinabi ni Robles na ang kumubra ng premyo ay agent ng lotto outlet sa Butuan, Agusan del Norte, at hindi ang talagang mananaya na nanalo.
"'Yan po 'yung sinasabi ko na lotto agent na pinakikiusapan ng kaniyang mga bettors. When he goes to the branch kasi P10,000 and below kaya pa po ýan ng ng outlet, P10,000 and above up to P300,000, he has to go to the branch," sabi ni Robles.
"Ang branch po normally nasa kapitolyo yan eh. So kung nasa malalayo kang lugar, ang logical and practical way is to talk to your...suki na pakisabay na ito,"dagdag niya. —FRJ, GMA Integrated News