Patay ang isang tricycle driver matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Tondo, Maynila.
Ayon sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend ngayong Linggo, nahagip ng CCTV sa Yuseco Street pasado alas nueve ng gabi nitong Biyernes ang pagdaan ng dalawang lalaki na lulan ng isang motorsiklo.
Maya-maya, bumunot ng baril ang angkas at ilang beses pinaputukan ang isang tricycle driver.
"Nung time na 'yun nandoon ako sa bahay namin. Nakarinig na lang kami ng putok," ani Ricardo Namit,
Kagawad ng Barangay 222 Zone 21. "Nung pumunta kami, ayun, nakabulagta na 'yung tao."
Mismong tatay ng biktima na isa ring tricycle driver ang dumating at nagsugod sa kanya sa pagamutan. Gayunman, hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktima.
"Tahimik naman 'yun eh, ano magmula nung mag asawa nga, nanahimik na siya. Hanapbuhay na lang, motor na lang siya nang motor," dagdag ni Namit.
Makikita rin sa CCTV footage na bago ang pamamaril, dumaan pa mismo sa tapat ng barangay ang mga suspek.
Ayon sa Manila Police District, patuloy ang kanilang gagawing pag che-checkpoint para matugunan ang mga insidente ng krimen sa Kamaynilaan.
"Pagkaalam po namin ng pangyayari ay agad-agad pong itinawag ang pangyayari sa MPD DTOC [District Tactical Operations Center] para mag-conduct ng simultaneous dragnet operation," sabi ni Police Major Hanz Jose ng MPD. — BM, GMA Integrated News