Ang Tanay, Rizal hindi lang dinarayo dahil sa magagandang tanawin kundi dahil sa mga naggagandahang falls din.
Una na riyan ang Tanay’s prime tourist destination na Daranak Falls.
Ayon sa Tanay tourism supervisor, ang malamig at blue-green na tubig nito ay mula pa sa Masungi karst rock formation.
“Nagkakaroon po siya ng natural lime content po kaya nagigi siyang kulay blue o, bluish color," sabi ni tourism supervisor Don Mart Gerones.
"Kahit na anong init ng panahon napakalamig po niya kaya napakaraming dumarayo rito," dagdag pa niya.
Twenty-five feet ang pinakamalalim na bahagi nito kaya’t perfect para sa mahilig magdive.
Kung hindi naman marunong lumangoy, maaaring magdala o, umarkila ng life vest.
Abot-kaya rin ang entrance fee na P75 para sa mga adults, P60 sa mga senior citizen at P50 sa mga bata.
Konting lakad lang mula Daranak Falls, mararating na ang isa pang dinarayo na Batlag Falls.
Crystal clear at kulay asul din ang tubig nito at nakamamangha rin ang tila kampanang rock formations ng falls.
Four feet hanggang 14 feet ang lalim nito. Ang day tour ay P100 head.
Mula sa Batlag falls kailangan munang maglakad ng dalawa hanggang tatlong minuto bago makarating sa dinarayong Blue Lagoon.
Tumawid sa mga batis, umakyat sa mga bato at mamangha sa ganda ng kalikasan.
Pero ang pagod sulit naman dahil pagdating sa Blue Lagoon na napapalibutan ng mga puno.
Relaxing at refreshing din ang lamig ng tubig. —NB, GMA Integrated News