Hindi na pumalag pa ang isang kargador na nagbebenta umano ng droga sa palengkeng pinagtatrabahuhan matapos arestuhin ng pulis na kaniyang kababata sa Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing dinakip ang suspek ng mismong kababata niyang pulis sa Andres Bukid.
“Pasalamat na lang po ako at nahuli po ako. Mas maganda ‘yung ganito kasi nakakaiwas naman po ako. Para ‘yung kaso ko maayos ko agad,” sabi ng suspek.
Ayon sa pulisya, hindi dumalo ang suspek sa kaniyang hearing kaya siya naisyuhan ng warrant ng judge.
Posible rin umanong nagbebenta ng ilegal na droga ang suspek sa palengkeng kaniyang pinagtatrabahuhan.
Umamin ang lalaki na gumagamit siya ng ilegal na droga, ngunit itinanggi niya ang pagtutulak.
Ayon pa sa suspek, umiiskor siya sa kaniyang pinsan at mayroon siyang mga kapwa kargador na kasabay niyang bumabatak.
Pinagsisisihan ng suspek ang kaniyang pagkakamali.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News