Dalawang katao ang kumpirmadong patay sa sunog sa Barangay Poblacion, Mandaluyong, ayon sa ulat ni Bam Alegre netong Huwebes sa Unang Balita.
"Ngayon po, na-confirm ng aming team na may isang babae at may isa pa pong unidentified (na namatay) kasi nakataob siya. Hindi pa po masasabi dahil hihintayin pa yung SOCO (scene of the crime operatives) dahil sunog na sunog daw po yung isang nakita," sabi ni Jess Lawrence Acoba ng Bureau of Fire Protecion (BFP) Mandaluyong.
Dalawang bata, isang babae na edad 16 at isang batang lalaki n 4 na taong gulang, ang unang naiulat na nawawala matapos ang sunog.
Ayon sa BFP nasa 50 bahay ang natupok ng apoy. Dagdag neto, masisikip ang eskenita sa lugar kaya nahirapang makapasok ang mga bumbero.
Sa lakas ng apoy itinaas sa ikalawang alarma ang sunog matapos ang ilang minuto. Hudyat ito na rumesponde ang hindi bababa sa walong fire truck.
"Aalis sana kami 'nun, tapos naamoy ko na lang na amoy nasusunog na gamit... Tapos nung nakita ko bigla na lang lumiyab yung apoy,"sabi ni Shiela Barba na isa sa mga nasunugan.
Ala una ng madaling araw ng ma-control ng mga bumbero ang sunog at bago alas dos mag madaling araw ay tuluyang dineklarang fire out. —VAL, GMA Integrated News