Timbog ang dalawang lalaki matapos silang magtangkang tumakas sa checkpoint ng pulisya sa Barangay Bahay Toro, Quezon City. Ang mga suspek, natuklasang mga miyembro umano ng criminal group at dati nang nabilanggo dahil sa mga kaso.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing pinara ng mga operatiba ng District Tactical Mobile Unit ang mga suspek na sakay ng motorsiklo dahil wala silang suot na helmet.
Ngunit imbes na huminto, humarurot ng takbo ang dalawa, kaya hinabol sila ng mga operatiba.
Nakakuha sa isa sa kanila ang .38 na kargado ng mga bala.
Lumabas sa imbestigasyon na walang kaukulang mga dokumento ang baril. Dadaan ito sa ballistic examination at pagberipika ng record sa crime laboratory.
Natuklasan pa ng pulisya na miyembro umano ng isang criminal group ang mga suspek, at dati na rin silang nabilanggo dahil sa kaso may kinalaman sa droga at illegal possession of firearms.
Sinampahan ang mga suspek ng reklamong resistance and disobedience to a person in authority at paglabag sa Motorcycle Crime Prevention Act. May karagdagang paglabag ang isa sa kanila sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News