Papayagan na ulit ng pulisya ang mga sibilyan na magmay-ari ng matataas na kalibre ng baril, bagay na ikinababahala naman ng isang grupo.
Nitong Lunes, sinabi ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, na aamyendahan ang implementing rules and regulations (IRR) ng Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, para payagan ang mga sibilyan na magmay-ari ng matataas na kalibre ng armas, partukular ang semi-automatic.
“Sa ngayon po, 'yung mga private citizens na nagmamay-ari ng riple, particularly 'yung 7.62 pababa at 'yung kanilang mga baril po ay mayroon pong classification po ng semi-automatic, ay puwede na pong palisensyahan ng sibilyan,” sabi ni Fajardo sa press briefing.
“Yun po 'yung particular provisions po na pupuwede na pong magmay-ari po ang sinuman pong sibilyan ng 7.62, 'yun po 'yung M14 pababa basta po 'yung baril na iyun ay hindi automatic,” dagdag pa ng opisyal.
Una rito, bumuo ang PNP ng isang technical working group para pag-aralan ang mga babaguhin sa probisyon sa IRR sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sinabi ni Fajardo na ipinadala na sa UP Law Center for publication ang ginawang pag-amyenda at magiging epektibo ang bagong patakaran pagkaraan ng 15-araw matapos itong malathalaha.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News 24 Oras nitong Lunes, nabahala sa bagong patakaran ang grupong Gunless Society of the Philippines, dahil mistulang ginagaya na sa bansa ang kultura sa Amerika na may baril ang walo sa bawat 10 sibilyan.
"Nakikita natin ang result ng ganung policy sa Amerika, doon sa mga shooting na nangyayari sa kanila. Kung yung mga ganung culture ay dadalhin natin dito sa Pilipinas, ganung problema rin ang haharapin natin," babala ni Norman Cabrera, presidente ng grupo. -- FRJ, GMA Integrated News