Arestado ang isang lalaki na suspek sa pangho-holdap sa Barangay Talipapa, Quezon City, pagkatapos siyang sunggaban ng taumbayan habang siya ay papatakas.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, mapapanood ang paglalakad ng lalaki, ngunit agad siyang napaatras.
Ilang saglit lang, dito na siya sinunggaban ng isang lalaking nakaputi at nagpambuno ang dalawa.
Ilang saglit pa, tumulong na ang taumbayan at pinagtulungan ang lalaki.
Rumesponde rin ang isang pulis, pinosasan ang lalaki at dinakip ito.
Papatakas na pala ang lalaki matapos mangholdap umano ng isang parking attendant sa lugar.
Ayon sa pulisya, isinalaysay ng parking attendant na bigla siyang nilapitan at tinutukan ng suspek at sinabihang ibigay ang kaniyang cellphone. Binigay naman ito ng biktima dahil sa takot.
Agad namang iniulat sa pulisya ang insidente.
Kinilala ng biktima ang suspek na siyang nangholdap sa kaniya.
Nabawi mula sa suspek ang cellphone ng biktima, at isang baril na kargado ng mga bala.
Hindi lisensyado ang baril ng suspek, ayon sa pulisya.
Pangatlong beses nang makukulong ng suspek, na dati na ring dinakip dahil sa pagnanakaw at pagsusugal.
Ngunit itinanggi niyang nangholdap siya.
Nasampahan na ang suspek ng reklamong robbery at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News