Patay sa pananaksak ang isang lalaki nitong Biyernes matapos pagsasaksakin sa Baseco Compound sa Maynila.
Ayon sa ulat ni Nico Waje sa "24 Oras Weekend," naniniwala ang mga awtoridad na posibleng may kinalaman sa ilegal na droga ang krimen.
Base sa kuha ng CCTV, 10:45 p.m. noong Biyernes, dalawang lalaki ang nakitang nagtatalo sa Baseco Compound. Lumalabas na tila may gustong kunin yung isa sa bulsa ng kasama niyang naka-itim.
Biglang naglabas ng kutsilyo ang unang lalaki at pinagsasaksak ang lalaking naka-itim. Sinubukan pa nitong manlaban ngunit tuluyang bumulagta rin.
Itinihaya pa siya ng suspek bago ito umalis. Patay ang biktima na si Romeo Raneses.
"Ito hong suspek may kinukuha sa biktima at makikita, lumalabas po sa initial investigation po e doon sa area may nakita pong isang tube na ginagamit sa paggamit ng methamphetamine hydrochloride o suspected shabu. Nakita po natin sa kanya yun," ani Police Lieutenant Colonel Emmanuel Gomez, Station Commander, Baseco Police.
Sa tulong ng CCTV, nakilala ang suspek. Ayon sa pulisya, kilala siya sa lugar sa paggawa ng iba't ibang krimen.
"Meron po siyang pagbebenta po ng droga, ng solvent. Meron din po siyang panghoholdap. Nai-involve po sa series of robberies po. At ito pong huli meron po yang asuntong at kalalabas lang po," ani Gomez.
Nang mahuli ang suspek sa kanyang bahay, nililinis pa nito ang dugo mula sa pananaksak.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng Manila Police Homicide Section ang suspek at sasampahan ng kasong murder. Hindi na nagbigay ng pahayag ang suspek. — Sherylin Untalan/BM, GMA Integrated News