Mahilig ka bang tumingala sa langit para pagmasdan at masilayan ang buwan at mga bituin…maging ang ibang planeta sa kalawakan?
Pwede mong makita ang mga iyan ng mas malapit, malinaw at detalyado!
Para mas mapalapit at mahikayat ang kabataan sa science at astronomy, libre ang stargazing o telescope viewing sa PAGASA Astronomical Observatory at ang planetarium show sa PAGASA Planetarium ngayong National Astronomy Week o hanggang ika-24 ng Pebrero, Sabado.
Bagaman sa pagbabago raw ng panahon na nariyan na ang light at air pollution, maari pa rin naman daw ituloy ang interes sa stargazing.
"Kaya pa rin po naman kasi nakikita pa rin po natin yung moon natin and other planets," ani Allan Julius Alcaraz ng PAGASA Astronomical Observatory. "Ang nagiging problema lang natin dito yung mga constellations. hindi na natin sila medyo nakikita. Maganda kung nasa province tayo, sa beaches, sa mga bundok kitang kita natin yung constellations.''
Ang PAGASA Astronomical Observatory ay nasa loob ng campus ng UP Diliman sa Quezon City. Ang PAGASA Planetarium naman ay nasa loob ng PAGASA Science Garden sa Miriam Defensor Santiago Avenue (ang dating Agham Road), sa Quezon City rin.
Ayon sa Facebook page ng PAGASA, kailangan lang mag-email ang mga interesadong pumunta sa libreng planetarium show at telescope viewing. Bawal ang walk-in.
Ilang enthusiasts ang nagtungo sa observatory, para raw madagdagan ang kanilang kaalaman at masilayan ang ganda ng kalawakan.
Si Jonie, isang enthusiast, sinilip sa telescope ang buwan at planetang Jupiter.
Aniya, “Matagal ko nang tinitignan itong mga ito na naked eye lang, gusto ko ma-experience na naka- zoom in. Ngayon nakita ko yung Jupiter saka yung buwan, sana yung susunod yung Venus naman at Mars. Maganda, maganda. Masaya.”
Si Aldrin—na taga Plaridel, Bulacan pa—sinadya rin ang observatory para makisilip sa kanilang telescope.
"Sort of release ng stress kasi ang ganda ng view," sabi niya. "Parang nakaka-humble po siya kasi we are part of something bigger and ang ganda ng creation ni God."
Ang isa pang nakilala namin sa observatory, si Job, may dala pang sariling telescope!
Nitong pandemic daw nagsimula ang kanyang interes sa astronomy at stargazing.
Buti na lang daw sinuportahan siya ng kanyang pamilya sa kanyang interes; para sa kanya kasi mahal na hobby ang stargazing.
"For the average Filipino, definitely it would hurt their bank account. It will hurt their pocket because this telescope is like P26,000 and that’s like a discounted price. It’s quite an investment if you really want to dedicate yourself in astronomy as a hobby and as a career,” aniya.
Sulit naman daw ang gastos sa ganda ng makikita sa kalawakan.
Pero para kay Alcaraz, "Meron naman po kayong mabibili na maliliit na telescope sa online, sa mga department store, kung hobby lang naman. Hindi naman ganun kamahal. Pumunta na lang po kayo rito, P25 lang naman per head." — BM, GMA Integrated News