Tinutugis ang isang lalaki matapos makunan sa CCTV ang ginawa niyang panloloob at pagtangay sa higit P400,000 halaga ng pera at alahas sa dati niyang pinagtrabahuhang karinderya sa Sampaloc, Maynila. Ang suspek, pinaalis noon dahil sa pangungupit.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapapanood ang pagpupumilit ng isang lalaki na buksan ang sarado nang karinderya sa lugar.
Ilang saglit pa, sa gilid ng establisyimento siya pumunta bago pumasok doon.
Nang makapasok, hinalungkat ng lalaki ang kaha, ngunit wala siyang nakuha kaya siya umakyat sa ikalawang palapag kung saan namamalagi ang may-ari at dalawang stay-in na trabahador.
Hindi na nakunan pa ng CCTV ang mga sumunod na pangyayari dahil pinutol ng lalaki ang kawad ng CCTV.
Ngunit sa kuha ng CCTV ng barangay, makikitang paalis na ang lalaki sa lugar dala-dala ang isang plastic.
Ayon sa may-ari ng karinderya, na kagagaling lang noon sa probinsya, nagulat siya nang matuklasang sira na ang lock ng pinto ng kuwarto.
Nasa P50,000 ang natangay ng salarin habang halos P400,000 ang kabuuang halaga ng mga alahas at relo.
Nang suriin ang CCTV, nalamang ang lalaking nanloob ay ang lalaking nag-sideline ng dalawang linggo sa karinderya na si Johari Buat, 23-anyos.
Ninakaw din ng suspek pati cellphone at pera ng dalawang stay-in na empleyado.
Enero ng alisin ng may-ari sa trabaho ang suspek matapos makunan sa CCTV na kumupit siya ng pera sa kaha.
Naiulat na ang krimen sa Manila Police District Station 4.
Patuloy na tinutugis si Buat, na may apat pang establisyimento na ninakawan sa Quiapo. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News