Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) na mas maagang magtatapos ang klase sa mga pampublikong paaralan sa darating na May 31 para sa school year 2023-2024.
Nakasaad ito sa Department Order 003 na may petsang February 19, 2024, at pirmado ni Vice President and Education Secretary Sara Duterte, bilang bahagi ng paghahanda na maibalik ang dating school calendar, at maitakda ang summer vacation sa April-May.
Itinakda naman ang pagbubukas ng klase para sa SY 2024-2025 sa July 29, 2024 at magtatapos sa May 16, 2025.
Nauna nang sinabi ni DepEd spokesperson Undersecretary Michael Poa na aabutin ng tatlong taon bago maibalik sa dati ang school break sa April-May.
Nagbago ang buwan ng pasukan at bakasyon ng mga estudyante nang magkaroon ng pandemic na nagsimula noong March 2020.
Nagkaroon ng kahilingan na ibalik na sa dati ang klase na rin sa mga reklamo na inaabot sa panahon ng tag-init sa mga silid-aralan ang mga estudyante.
Ipinapaubaya naman ng DepEd ang pasya sa pamunuan ng mga pribadong paaralan kung susundin ang mas maagang bakasyon ng klase.— FRJ, GMA Integrated News