Kinagiliwan noon ang isang beki na nagawa pang rumampa sa presinto kahit sugatan matapos masangkot sa rambulan nilang magkakaibigan sa Pasay City. Ngayon, isa na siyang matagumpay na may-ari ng pinipilahang paresan.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing Setyembre 2016 nang ibalita ang pagrampa ni Deo Balbuena a.k.a. “Diwata.”
Nagtamo ng sugat sa noo si Diwata matapos saksakin umano ng kaniyang kaibigan.
Nag-ugat umano ang gulo nang magalit ang mga suspek nang paalisin niya sa ilalim ng tulay sa Pasay matapos niyang mahuli sila na gumagamit ng ilegal na droga.
“Nagmula sa kalangitan, lumagapak sa kalupaan. Narito na sa inyong harapan ang nag-iisang Diwata na mukhang kawatan,” sabi ni Balbuenas.
Nang muling bisitahin ng GMA Integrated News si Balbuena, mayroon na siya ngayong paresan business sa Diokno Boulevard.
Napa-throwback pa si Diwata nang muling ipapanood sa kaniya ang balita tungkol sa kaniya noon.
“Sabi ko, ‘Ako ba ‘to?’ Hindi ako makapaniwala na ako ‘yon,” sabi ni Balbuena.
Nagkaayos na umano sila ng kaniyang mga kaibigang nakaaway noon.
“Okay naman na kami, kumbaga nagkapatawaran na kami,” dagdag ni Balbuena.
Kapansin-pansin ang box office na pila sa paresan ni Balbuena, na may mga sangkap na lechong kawali, tsitsarong bulaklak, sabaw ng pares, softdrinks at unli rice.
Sa halagang P100, solve na ang mga kostumer.
“Siyempre ako ang nagluluto, ako ang nag-create ng timpla, ako na rin ang [nagtimpla] ng sabaw. Minurahan ko talaga, very affordable,” sabi ni “Diwata.”
Dumaan din si Balbuena sa ilang hamon bago naabot ang tagumpay. Nag-construction worker muna siya bago nag-umpisa sa maliit niyang paresan.
“Importante kasi malusog ka lang at wala kang inaapakan na tao. Kung ano ‘yung pangarap mo, kung ano ‘yung gusto mo, sundin mo lang. Kung nangarap ka, gawin mo agad, aksyunan mo,” payo ni Balbuena sa mga dumaranas ng pagsubok. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News