Sumalpok ang isang trailer truck alas-dyes kaninang umaga sa ilang sasakyan sa San Mateo- Batasan Road.
Nakuhanan ng CCTV ng Barangay Batasan ang trailer truck na nasangkot sa aksidente.
Makikita na mabagal pa ang takbo ng truck at maayos na nakalagpas sa intersection ng lower congressional.
Pero pagdating sa pababang bahagi ng kalsada, makikita ang kapansin-pansing pagbilis ng takbo ng truck, hanggang sa bigla na ito sumampa sa center island at natumbok ang ilang sasakyan
Sa CCTV, kita ang pag-ikot ng unang sasakyan na natumbok ng truck dahil sa lakas ng pagbangga.
Tinamaan din ng trailer truck ang likurang bahagi ng isang multi-purpose vehicle.
Kwento ng traffic enforcer ng barangay na first responder sa aksidente, nawalan daw ng preno ang trailer truck kaya nawalan ito ng kontrol sa minamaneho
“Ang Sabi ng driver eh nawalan daw ng kontrol 'yung pag break ng truck niya kaya naikabig niya raw sa bandang kaliwa pero hindi na raw inabot kahit nai-max niya 'yung kanyang truck kaya sumalpok na siya sa mga sasakyan na parating," ayon sa enforcer na si Arjhay Omega.
Isang motorcycle rider daw ang nasugatan dahil sa aksidente. Wala naman daw nasaktan sa sakay ng ibang sasakyan.
Nasa kustodiya ng Traffic Sector 5 ang driver ng truck.
Sinubukan namin makuha ang panig ng driver pero hindi kami pinahintulutan ng imbestigador ng traffic sector. —LDF, GMA Integrated News