Sumiklab ang sunog sa isang palengke sa Barangay Bago Bantay sa Quezon City nitong Lunes ng umaga.
Kuwento ng mga saksi, nakarinig sila ng malakas na putok at kasunod noon ay may apoy na sumiklab sa Abra Market sa kanto ng Abra Street at Congressional Avenue, ayon sa ulat ni Allan Gatus ng Super Radyo dzBB para sa Unang Balita.
Sa may lutuan ng isang kainan daw nakita ng mga naroon ang apoy.
Mabilis naglabasan sa palengke ang mga tao, kabilang ang mga may puwesto na naiyak na lamang habang tinutupok ng apoy ang kanilang kabuhayan.
Mabilis rumesponde ang Bureau of Fire Protection (BFP).
Umabot sa first alarm ang sunog, at fire under control na ng 5:38 ng umaga.
Naapula ang apoy ng 6:02 a.m.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng BFP para matukoy ang pinagmulan ng sunog at halaga ng property damage.
Samantala, binuksan na sa daloy ng trapiko ang Congressional Avenue. Okupado ng mga truck ng bumbero ang Congressional Avenue noong inaapula pa ang sunog. —KG, GMA Integrated News