Isang babaeng negosyante ang sinundan, binugbog at ninakawan di umano ng dalawang kawatan sa loob ng palikuran sa isang mall sa Quezon City.

Ayon sa ulat ni Jun Veneracion sa 24 Oras Weekend noong Linggo, sinundan daw ng dalawang lalaki ang biktimang si Ronalyn Labang papunta sa mall.

Nang siya daw ay aksidenteng pumasok sa panlalaking palikuran sa ikatlong palapag ng mall, siya daw ay pinasok ng mga suspek.

“Based dun sa aming experience dito, first time lang nangyari na nasa loob ng CR yung holdap… yung nangyari sa holdapan…” sabi ni QCPD Station 10 Deputy Station Commander Police Major Mike Diaz.

“Hinihila na po ako ng lalaki at doon na po siya na-gstart sa akin na nampukpok ng ulo ko. Hanggang sa kinuha niya po yung kamay ko. Then, sinugat-sugatan niya na po… Yung baril po niya sa bag sa harapan niya eh natapik po sa likuran ko…” dagdag pa ng biktima.

Nakuhanan si Ronalyn ng dalawang cellphone at P30,000 na cash, habang siya ay nagtamo ng mga sugat sa braso at noo ng dahil sa pambubugbog.

Hinala ng biktima at ng kaniyang asawang konsehal ng Tuguegarao, may mas malalim pang motibo ang krimen bukod sa pagnanakaw.

“May sinasabi po siya na, 'P_ng asawa mo! May araw din ang asawa mo,' pero nagmakaawa po ako. Sumisigaw din po ako ng tulong,” sabi ni Ronalyn.

Dagdag pa ng biktima at ng kaniyang asawa, posibleng may kinalaman sa transaksyon sa diyamante sa kanilang Negosyo ang krimen dahil isang taon na daw sila nakakakuha ng mga pagbabanta.

“Sa akin hindi politics eh, parang business yun, sir… kung sa politika, matagal n asana akong pinatay eh…  Hanggang ngayon may death threat ako… hindi mapatay-patay ang misis mo, sabi niya. So dapat ang bantayan ng pulis, hindi ikaw, misis mo, sabi ng nagtitext sa akin,” sabi ni Tuguegarao Councilor Gilbert Labang.

Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng pulisya kung pano nakapagpasok ng patalim at, ayon sa biktima, baril sa loob ng mall.

“Ongoing pa backtracking natin, tyaka follow up operation para ma-identify mga salarin,” ani ni Diaz. — Jiselle Anne C. Casucian/BM, GMA Integrated News